Para sa mata ng iba, wala akong alam sa mga bagay-bagay. Dahil kahit anong aral ang gawin ko, kahit ilang educational level pa ang marating ko, inutil ako. Bobo. Tanga. Walang kwenta. Di naman nila ako kilala eh. Kahit kailan di nila ako sinubukang kilalanin ng malaliman. Ang alam lang nila, kung paano nila ako naimagine, ganun ako. Tulad nang di kaya ang mga bagay. Gastador. Masungit. Mataray. Hindi malinis sa bahay.
Pero sana… Kahit konti…. Nag labas man sana sila ng effort na makilala ako.
Para sa kanila, kaya wala akong kaibigan nung bata ako, dahil mataray o masungit ako. Kasalanan ko. Di daw ako marunong ngumiti. Di daw ako marunong makipaglaro.
Pero ikaw, makikipaglaro ka ba sa mga batang ang gustong makita ay ang umiyak ka? Pikon daw ako. Dapat daw, marunong akong sumabay na lang sa pambubuska ng ibang bata. Pero ikaw, hindi ka ba mapipikon kung kahit pinilit mo nang hindi mapikon ay di sila nakuntento at may kasama pang sabunot, tulak, o pitik ang mga pang-aasar sa iyo? Oo, tanggap ko na hindi ako maganda sa mata ng karamihan. Alam ko na di katanggap tanggap sa standards ng iba ang kulay ko, ang itsura ko, ang buong panlabas kong anyo. Isa pa, kung may nagawa akong mali, iuungkat ng ilan ang nangyari at ibabalik ako sa nakaraan. Di na ako nakagalaw. Nahihiya ako sa lahat kahit gaano pa ang effort na inilabas ko para lamang mabago iyon.
Habang isinusulat ko ito, nasasaktan ako. Kasi, pag nabasa nyo, iniisip ko na ang tingin nyo na sa akin ay mas malala pa sa tingin nyo noon. Na ang luha na ipinapatak ko tuwing mag-isa ako at nilalabanan ang depresyon ay isa lamang drama. Na madamot ako kasi ninanais ko lang ang atensyon ng lahat. Nasasaktan ako kasi, sa isip ko, kahit ilang beses ko pang itry na iconvince kayo na mabuti akong tao, balewala. Ok lang ba na ipakilala ko ang sarili ko sa inyo?
Mahilig akong magbasa. Kahit ano. Kahit medical matters, political, social, history… Lahat pwera ang math. May alam ako. At madami akong bagay na natutunan nang di ko natutunan sa eskwelahan. Gastador ako. Maaari. Pero naniniwala ako sa rewarding yourself from time to time. Di naman ako buminili ng mga bagay na di ko kailangan sa buhay. Masungit? Kung pagod, inaantok, o di kaya ay binubully. Pero hanggat maaari, hindi po ako nagsusungit o nagtataray sa mga taong may ngiting handog. Hindi ko man po kayo inaapproach, di po ibig sabihin na mataray po ako. Nahihiya lang po kasi ako. May hiya rin naman po kasi ako kahit kaunti. Tinatry ko pong kayanin ang mga bagay-bagay sa buhay. Wala po akong masyadong kaibigan noong bata ako, kasi iyakin ako. Dahil nasasaktan po ako. Maliit po kasi ako. Pwede nila akong itulak kahit kailan at di ako makalalaban. Kakaunti lang naman po ang naging mabait sa akin. Pero di ko maintindihan ang utak ko kung bakit kailangan ko pa ring lumapit at piliting isali ang sarili ko sa mga taong ayaw sa akin. Creative ako. Pero umpisa pa lang sinasabi na ng marami na hindi naman ako creative. Kasi di ko naman napag aralan iyon.
Di ko po alam kung ano talaga ang estado ng pag iisip ko. Pero may nakakapagsabi na may depresyon ako. Ilang ulit ko na naisip na kitlin ang sarili kong buhay. Ilang beses na rin akong nawawalan ng gana. Pero maaring sobrang tatag ko at nandito pa rin ako. Sa tuwing naiisip ko ang pagtapos ng buhay ko, naghahanap ako ng paraan para mailigaw iyon. Kaya natuto akong magcrochet, knit, magbake… Sinasabayan ko ng dasal. At habang nagdadasal ako, naiisip ko ang mga magagandang bagay na pwede pang mangyari sa buhay ko. Pero, hindi nagtatapos iyon sa ganun. Sa isang buwan, umaatake ang depresyon ko ng ilang ulit. Siguro umaabot minsan ng 7 times.
Pasensya na, ginamit ko ang oras mo sa walang katorya toryang bagay. Gusto ko lang naman ng may mapagsabihan ng bagay na ito.
Ang nais ko lang naman ay maintindihan mo, na ang bawat ngiti ko maaaring may itinatago akong lungkot na ayoko ninyong makita o kaya ay masaya lang talaga ako. Na kung nakasimangot ako ay di dahil sa inyo. Dahil umaabot na ako sa rurok na napapagod na ako sa pakikipaglaban sa sarili ko. Na kung malungkot ako, kailangan ko lang ang pang unawa nyo. Di lahat ng panahon ay kaya kong iadjust ang sarili ko sa panuntunan nyo. Tao din po ako. Nasasaktan. At nagkakamali. Pero hanggat maaari, kakayanin ko ang lahat ng ihaharap ninyong pagsubok para masiyahan kayo at tanggapin ninyo ako.